Ang perlas na huwad, kapag kiniskis sa pisngi ng kapwa perlas, ay magagasgas, mag-iiba ang kulay at hindi na mawawala pa ang lamat na nalikha. Mapapahiya ang alahero na nagtitinda ng ganoong uri ng perlas. Bago makuha ang perlas na tunay, kailangang paghirapan ito. Sisirin sa pusod ng dagat. Hanapin at halughugin. Mahirap ang ganitong gawain dahil kailangan mong isugal ang iyong buhay upang magkaroon lamang ng perlas. Yaong hindi ka mapapahiya. Yaong kahit ikiskis sa ibang bagay, magagasgas nga ngunit mawawala rin ng kusa. Yaong kahit sunugin ay hindi mawawalan ng kintab at kinang pagkat tunay ngang perlas.
Alalaong baga, maikukumpara ang perlas na ito sa kabataan ng kasalukuyan. Upang maging tunay na perlas, kinakailangang dumaan sa pagsubok, hubugin at patibayin ng karanasan. Magiging produktibo lamang ang kabataan kung sila ay mapapalaki ng wasto at sapat.
Ito ang dahilan kung bakit kaylaki ng responsibilidad ng mga magulang na nagtatanim ng punla sa kanilang mga anak. Kawangki nila ang mga magsasakang nagtatanim ng mga buto sa katirikan man ng araw, makapagpatubo lamang ng punong magbibigay ng matamis na bunga.
Mistulang munting halaman ang kabataan na nangangailangan ng suporta mula sa komunidad upang magtagumpay at bumuo ng bansang maunlad at maginhawa. Ang mga institusyon sa ating komunidad tulad ng paaralan, simbahan at silid-aklatan ay nagtutulong-tulong upang humulma ng mga kapaki-pakinabang na indibidwal sa hinaharap. Patuloy na nagbibigay ng kaalaman ang mga ito upang masikatan ng sinag ng sining, karunungan at kagalingan tungo sa naghihintay na bukas.
Kinakailangan din ng kontribusyon ng pamahalaan upang matiyak ang pag-usbong ng mga mumunting buto. Diligan, alagaan at bantayan. Bantayang maigi nang hindi dapuan ng mga perwisyong insekto. Bantayan nang mataman upang hindi maligiran ng mga damong aagaw sa sustansya ng isang halamang kapaki-pakinabang. Tunay ngang ang halamang kapaki-pakinabang ay kabataan at ang mga insekto’t damo ay ang mga masasamang impluwensya na maaring gumapi sa kabataan.
Kung lalagumin natin ang lahat nang ito, kapag tigib na sa talino, galing at talento ang mga kabataan, kaya na nilang buuin ang ating bayang mahal. TInitiyak kong arkipelago man ang ating bansa, bibigkisin ito ng isang tanikala ng pagkakaisa. Oo, pagkakaisa ang siyang susi para buuin ang isang bansang nililigid ng pagmamahalan paggalang, kaunlaran at kapayapaan. Sa kamay ng mga kabataang huhulmahin ngayon ang mukha ng ating bayan bukas.
Kapagka naisagawa ito, maliwanag pa sa sikat ng araw na kayang-kaya na ng mga kabataang Pilipinong makipagsabayan sa mga ibang bansa. Maibabalik na rin ang magandang imahe ng bansang ating ginigiliw. Kung lilingunin natin ang ating kasaysayan, minsan nang tiningala ang ating bansa sa buong mundo nang humawak ng pinakamataas na katungkulan ang ating kababayang si Carlos P. Romulo sa Nagkakaisang Bansa. Kung kaya nating makipagsabayan noon, tinitiyak kong kaya rin natin ngayon. Kaya nating sabayan ang ibang bansa sa larangan ng sining, edukasyon at maging sa pulitika.
Kaya ang panawagan ko bilang kabataan ng kasalukuyan, kami sana’y hulmahing tunay. Mamumuhunan po kayo sa amin. Pagkat batid kong kung paano kami hubugin ngayon ay ganoon din ang katangiang tataglayin namin bukas. Kapagka matibay ang aming pundasyon, kayang-kaya naming buuin ang bansa tungo sa bantayog ng kaunlaran at nang ang ating bansa ay muling dumakila’t kilalanin bilang isang bansang matatag.
No comments:
Post a Comment